Ilang taon na walang NSO/PSA Birth Certificate ang aking ina. Kapag kukuha siya sa PSA ng Birth Certificate, ang binibigay sa kanya ay, “No record of Birth”. Ang aking ina ay public school teacher kaya bago siya magretiro ay kailangan na meron siyang birth certificate para maproseso ang kanyang retirement benefits.
Taong 2017 noong inasikaso ko nag kanyang birth certificate. Sa kanyang sitwasyon ay mayroon siyang Birth Certificate mula sa Local Civil Registrar (LCR), ngunit wala sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ang una kong ginawa ay tinawagan ko ang LCR kung saan siya ipinanganak. Ang mahirap dito ay kung paano ko malalaman ang phone number ng LCR sa Bakon, Benguet. Buti na lang may phone number na nakarecord mula sa google. Kunting tiyaga lang mahahanap mo rin ang phone number nila, kapag wala puwede kang tumawag sa pinakamalapit ng LCR at tanungin sila kung meron silang directory ng LCR sa ibang lugar.
Tumawag ako at sinabi ko na ang aking ina ay may LCR Birth certificate pero wala siyang PSA Birth Certificate. Dahil mabait ang staff ng LCR, sinabi niya sa akin na ifo-forward nila ang birth certificate sa PSA para mairecord ito ng ahensiya.
Matapos ang ilang araw, tumawag sa akin ang LCR at sinabing naisumite na sa PSA ang LCR Birth Certificate ng aking ina. Kumuha ulit ako ng kopya mula sa PSA at natanggap ko na meron na siyang birth certificate na hindi negative.
Isa ito sa unang “accomplishment” ko dahil napasaya ko ang aking ina. Naisip ko, madali lamang pala yung ganung sitwasyon. Ilang taon na walang maipakita ang aking ina pero ilang araw lang matapos ang isang tawag ay mayroon na siyang birth certificate.
Para magkaroon ng record sa PSA, ang una niyong gagawin ay puntahan ang local civil registrar kung saan kayo naipanganak, sila ang tutulong sa inyo para magkaroon ng PSA/NSO Birth Certificate.
Hindi lahat ng pagkakataon ay mabait ang LCR, meron din na ikaw mismo ang mag-pro-process. Naalala ko noong taong 2019, ang aking trabaho naman ay ipa- annotate ang isang Court Decision sa PSA para maipakita ang bagong pangalan niya. Sa susunod ko naman ito isasalaysay.
Leave a Reply